Dose of Happy: The Most Beautiful Smile


Dear Caylee,


Kanina, habang nagtitiklop ako ng mga damit mo bigla mong inagaw ang pink na dress at pinilit mo akong isuot yun sayo. Tapos inaya mo akong lumabas ng bahay para maglaro.

Hanep ka talaga anak. Kailangang naka-dress pa talaga?

Nagmamadali kang lumabas ng bahay. Halos patakbo. Ni hindi ka na nag-abala pang magsuot ng iyong tsinelas. Nagalit ako. Sabi ko kakainin ng worm ang feet mo. Kailangang isuot mo ang iyong tsinelas. Itinuro mo ang pinsan mong makulit na nakapaa habang naglalaro ng piko. "Gaya kay kuya, wala slippers." proud na proud mong sagot sa akin.

Okay, sige. May mga oras talagang nahihirapan akong makipagtalo sayo. Pero sabi ko sayo kailangang piktyuran muna kita. Gusto ko yung cute na pose. Alam na alam mo na ang salitang 'cute'. Siguro dahil natural na yun sayo. Natural ka kasing kyut. Ang 'kyut' at ikaw ay halos iisa na.

"1...2..."  bago mag-3, ikiniling mo ang iyong ulo. Inihawak ang isang kamay sa pisngi. Tapos todo bigay kang nag-smile. Nakita ko yung mga munti mong ngipin sa itaas na unti-unti nang nabubulok.

"Sira teeth, ayos mo mama" yan ang madalas mong sabihin kapag nakikita mo ang mga sira mong ngipin sa salamin. Bakas ang pag-aalala sa mga mata mo. Ano nga bang nangyari? Samantalang anim na buwan ka pa lang, tinuturuan na kitang mag toothbrush!


Bigla ko tuloy naalala yung isang linya sa movie na pinanood ko kamakailan lang.

"Kapag binigo ba ng isang nanay ang kanyang anak, nababawasan ba ang pagkananay nya?" - Vilma Santos (Everything About Her film)


Huling-huli talaga ng pelikulang ito ang damdaming nanay ko. Alam kong hindi ako perpektong ina. May mga pagkakamali ako sa pagpapalaki sayo. May mga maling desisyon akong nagagawa. Pero bilang isang ina, kapakanan mo lang ang palaging nasa isip ko. At hindi magbabago yun kahit na kelan.

Love,
Mama